Andito na naman po ko..mangungulit..dadaing..maglalambing..Dangan kasi ito lamang po ang alam kong paraan para lagi akong magkaroon ng lakas ng loob at matibay na pag-asa sa mga bagay na aking hinhintay.. sa mga bagay na ipinangako Mo
Pasensya na po..minsan di ko mapigilan mapadaing lalo na pagkanakakaramdam ako po ng matinding awa sa sarili. Kasi nakikita ko kapansanan ko…nalimutan ko na naman na anumang oras ay maaari akong manganlong sa Iyong kapangyarihan at duo’y huhugot ako ng lakas.
Naiyak na naman po ako.. kasi kung wala po Kayo sa buhay ko paano na kaya ako. Minsan natutulala ako sabay papatak ang luha at nasasabi kong parang hindi patas ang laban. Nalimutan ko na naman po na Ikaw ay Diyos ng Katwiran at ang Iyong kalooban ay laging may lakip na hustisya. Isang unat Nyo lang po ng inyong mapagpalang kamay, isang kumpas lang po ng Inyong kapangyarihan..lahat ng bagay at tao sa mundo ay magpapantay-pantay ang kalagayan. Kayang-kaya Nyo pong bawiin lahat ng kapangyarihan, kayamanan, buhay at lakas ng tao. At sa panahon na Iyo na pong ipinaiiral ang iyong Katwiran dito Nyo nakikita sino ba talaga ang tapat sa Inyo. Tulad sa kasalukuyang panahon….ilang magulang na ba ang nawalan ng pag-asa hanggang sa pinsalain nila buong sambahayan nila at pagkatapos ay kitlin nila ang sarili nilang buhay…ang mga dating matuwid na may hanapbuhay natuto ng gumawa ng lahat ng klase ng krimen. Paano wala silang masulingan…Sana pwede rin silang mangalong sa lilim ng Iyong kapangyarihan..Bakit kaya hindi nila maisip gawin yun? Hindi ko po alam ang sagot. Nakakalungkot dahil hindi pa ito ang sakdal sa lahat ng pagsubok bumibitaw na sila. Krisis sa economiya pa lang po iyon nakikita Nyo kung sino talaga ang nagtitiwala sa inyo..paano kaya kung sabay sabay …giyera..kahirapan, kalamidad..mga matitinding karamdaman.. paano na ang tao.
Totoo nga pong hindi patas ang laban..kasi hindi rin naman po ako makakaiwas sa krisis…kinakailangan ko rin maghanapbuhay..di rin naman pamalagian ang lakas ko dahil sa Myasthenia ko… Di ko rin alam kung bukas makalawa kung mahanapbuhay pa po ako at lalong hindi ko po alam kung mamaya lang ay mahirapan na naman akong huminga hanggang sa tuluyan ng tumigil ang paghinga ko. Kung iisipin talaga dehado ako sa karera ng buhay lalo na sa panahon ngayon…ngunit ikaw ang aking Pag-asa.. nasa Iyo ang aking lakas kaya hindi ko magawang bumitaw kahit hirap na hirap na po ako..kahit hilahod na ako sa pagod. Sa ayaw at gusto ng ibang tao..isang lang ang totoo..hindi talaga patas ang laban dahil itinatangi Mo po ako. Ipinipilit Mo pong makaagapay ako sa takbuhin, iniiaabot ang bawat pangangangailangan ko, ginagawa mo pong magaan ang mga pasanin ko habang ang iba bigat na bigat sa pagdadala ng buhay., anumang kulang sa buhay ko Ikaw po ang nagpupuno. Sa mga panahong mahinang mahina na ako halos gahibla na lang ang layo ko sa kamatayan dinudugtungan Mo pa po ang buhay ko. Ganito pala kasarap kapag dama ng puso’t kaluluwa ng isang tao ang lubos na pagmamahal ng Diyos. Nakapagpapaganap at nakapagpapasakdal. Hindi nakapagtataka nakayanan ng Panginoon Hesukristo ang lahat ng hirap dahil alam nya nasa kanya ang pag-ibig ng Diyos. Pagmamahal na tinatamas ko rin ngayon at babaunin hanggang sa dumating ang araw na haharap na ako sa Ama upang pagmasdan ang lubos Nyang kaluwalhatian.